Kalakip ang islogan na ‘Think Global, Lead Local’, itinampok sa Area B Assembly (ABA) na may temang ANATELLO: Rise of a Blazing Triumph ang pagsulong sa lokal na pagpapatupad ng Sustainable Development Goals (SDGs) sa pamamagitan ng panawagang pagtibayin ang mga inisiyatibong pang komunidad ng organisasyon sa isang webinar, Nobyembre 23.
Kasabay ng taunang Chapter Presidents’ Assembly at Logbook Filing Seminar binigyang diin ng tagapagsalita na si Marck Lester B. Esto, Regional President ng United Nations Youth Associations of the Philippines (UNYAP)-Bicol, ang lumalalang sitwasyon sa komunidad dulot na rin ng pagkabigo na maisakatuparan ang hangarin na pangkalahatang kaunlaran.
“The SDGs are not failing globally. They are failing locally,” sabi ni Esto, na aniya ang pagkabigo na ito ay bunsod ng kawalan ng interes ng kasalukuyang henerasyon sa pagsulong ng SDGs sa mga komunidad dulot ng kakulangan sa kaalaman tungkol sa realidad ng lumalalang sitwasyon sa mundo.
Dahil dito, upang maging bahagi ang United Architects of the Philippines Graduate Auxiliary (UAPGA) sa pagsusulong ng tagumpay ng SDGs, nanawagan si Esto sa mga opisyal at myembro na paigtingin o palakasin ng organisasyon ang anumang proyekto na may kaugnayan sa SDGs Localization nang sa gayo’y maging matagumpay ang mga layunin ng nasabing programa.
“We need to focus on SDG talks because I truly now understand the urgency of the 2030 Agenda and the need to translate global goals into local actionable initiatives,” pahayag ni John Rey L. Llana, UAPGA Vice President for Area B.
Siya’y naniniwalang ang malaking tagumpay ng SDGs ay nag uugat sa kahit simpleng mga aksyon sa loob ng isang organisasyon na dahil upang gamitin niya ang plataporma bilang pangalawang pangulo sa pamamagitan ng mga talakayan kagaya ng SDG Talk sa ABA 2025.
“Our next step is to initiate projects that combine our architectural expertise with youth-driven action, like designing sustainable community spaces or local interventions that create measurable impact and embody the SDGs in real-life contexts,” dagdag niya.
Naniniwala si Llana na sa pamamagitan nito ay mahihikayat niya ang iba pang organisasyon at mga lider sa kung paano makatutulong ang bawat propesyon sa pag-localize ng nasabing SDGs.
Gayundin, binigyang diin niya na hindi matatapos sa unang parte ng ABA 2025 ang pagkakaroon ng talakayan tungkol sa SDGs kundi mas lalo itong pagtitibayin sa face-to-face assembly ngayong darating na Marso, taong 2026. Umaasa rin siya na yayakapin ng UAPGA National at iba pang distrito ang adbokasiyang sinusubukan niyang isulong nang sa gayo’y mas maging produktibo ang taon ng pangkalahatang organisasyon.
Samantala, nagtapos ang ABA 2025 sa pamamagitan ng nasabing taunang Logbook Filing na pinangunahan ng isang January 2023 Architecture Licensure Examination (ALE) Top 2 na si Ar. Shanna Mae Goyena na isa ring propesor sa Bicol University (BU).