Mga Hakbang sa ALE, pokus sa ACA 2025

Mga Hakbang sa ALE, pokus sa ACA 2025

Ginanap ang rehiyonal na pagtitipon ng mga delegado mula sa iba’t ibang United Architects of the Philippines – Graduate Auxiliary (UAPGA )visayas chapters sa Area C Assembly (ACA) na may temang “LAWOD: Guided by the Stars, United by the Seas” sa pamamagitan ng webinar, Nobyembre 16 at 23.


Isang mahalagang okasyon ang isinagawa na naglalayong palakasin ang ugnayan at magbigay-inspirasyon sa mga susunod na propesyonal sa larangan ng Arkitektura, kung saan ibinahagi ng mga lisensyadong Arkitekto ang kanilang mga karanasan sa pagkuha ng board exam at ang mas malalim na pag-unawa sa saklaw ng Architecture Licensure Examination (ALE).


Pinangunahan ni Architect R. M. Lao, UAPGA Area C Coordinator, ang pagbubukas ng unang araw ng pagtitipon, kung saan itinampok sa “Timon: Steering the Course of Chapters” ang mga presentasyon ng Chapter Presidents mula sa iba’t ibang chapter sa buong Visayas na nagbahagi ng kani-kanilang mga tagumpay, diskusyon, at mga plano para sa mga proyektong para sa mga architecture graduates na miyembro ng organisasyon.


Tinalakay ni Ar. Leomel Ammaler sa paksang “Paglayag: Navigating Your Path to Licensure” ang Logbook Filling Seminar bilang mahalagang bahagi ng propesyon, kabilang ang iba pang mahahalagang dokumentong kailangang ihanda at ang mga estratehiya sa maayos na pagbuo ng mga ito upang maiwasan ang pagkakamali at aberya sa aplikasyon para sa licensure.


“Take it when you are really ready. The number of takes does not define you,” payo ni Ar. Dea Mikaela Bañas sa presentasyong “ALE Tips: Architecture Licensure Examination,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng sapat at malalim na paghahanda, tiwala sa sariling kakayahan, hindi pagkukumpara ng sariling journey sa iba, at pagkakaroon ng matibay na support system na malaking tulong sa apprenticeship at licensure.


Gayundin, ipinahayag ni Ar. Justine Allison E. Arriola na  “Success is not just about passing the board exam, it is also about showing up, choosing discipline, doing your best, surrendering the rest and trusting God,” na higit pa sa pagkamit ng lisensya ang tagumpay, dahil nagsisilbing sandigan ang pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng pagdududa at pangamba at nagpapaalala na ang bawat pagsisikap ay may mas mataas na layunin at ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi lamang sa resulta kundi sa paraan ng pagharap sa buong proseso.

Bukod sa mga diskusyon, isinagawa rin ang open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga delegado na magtanong at humingi ng payo na nagbigay daan sa mas malinaw na pag-unawa sa tinalakay na paksa.