Kaalaman at Kasanayan Pinaigting sa ​​L.A.R.O. 29

Kaalaman at Kasanayan Pinaigting sa ​​L.A.R.O. 29

Sa hangaring bigyan ng alternatibong plataporma upang pagtibayin ang kaalamang pang-arkitektura ng mga miyembro, isinagawa ng United Architects of the Philippines Graduate Auxiliary (UAPGA), sa pangunguna ng Commission on Education, ang L.A.R.O. 29 (Learn Architecture Review Out-of-the-box 29), limang araw na online lecture series noong Nobyembre 22 – 23, 25 – 26, at 28 na nagtapos sa isang komprehensibong in-person mock board examination at graduation noong Nobyembre 30.

Dala ang temang, “Pundasyon ng Talino, Estruktura ng Pangarap,” tinampok sa programa ang iba’t ibang paksa upang mapalalim ang kaunawaan ng mga kalahok at mapanatag ang mga susunod na sasabak sa pagsusulit upang maging ganap at rehistradong arkitekto (Architects Licensure Examinations).

“Why do we need to build green? Because we only have one world. There is no planet B… Because we, architects, have the power to make a change,” wika ni Ar. Michaela Rosette M. Santos-Tayag sa unang araw ng mga lektura sa paksang Tropical Architecture, kung saan tinalakay niya ang pagkakaiba ng mga green building rating systems na may pagtuon sa Philippine Green Building Code at ang mga benepisyo nito mula sa kalikasan hanggang sa indibidwal.

Sumunod naman si Ar. Lester Mark V. Manalo na nagbigay patnubay sa mga kalahok ng mga payo ukol sa Architectural Design upang mapabuti ang serbisyo ng mga susunod na rehistradong arkitekto.

“You have to claim it,” ani ni Ar. Gene Lambert Giron  bilang pagbibigay ng pag-asa at tiwala sa mga ALE takers, sa ikalawang araw ng LARO 29 kung saan naging pokus ng talakayan ang Structural Conceptualization, Rule 7 at 8, at Building Technologies kasama sina Ar. Jerry Uy Chun, Ar. Arjee Louie Jimenez, at Ar. Giron ayon sa pagkakasunod-sunod.

Tinalakay naman ang History of Architecture at Theory of Architecture sa pangatlong araw ng lecture series hatid nina Ar. Roy John De Guzman at Ar. Joana Patricia Grande, habang ang mga suhektong Professional Practice at Principles of Planning, na hatid nina Ar. Janice Ma. Irene Echiverri-Quintano at Ar. May Rose Carreo, ay nabigyan ng pokus sa pang-apat na araw ng mga lektura.

“Architecture is not just about buildings – it’s about connections. When you learn to see patterns and link ideas, you don’t just memorize facts; you understand the story behind them. In every detail, every influence, and every relationship, there is meaning. Find those links, and the answers will find you,” panghuling bilin ni Ar. Grande.

Sa panglima at huling araw ng LARO 29 Lecture Series, ibinida ang Building Utilities at Architectural Interiors na tinalakay nina Ar. Annie Corpuz-Pugeda at Ar. John Michael Miranda.

“What you are being tested here is your knowledge on the working drawings. Ang normal na mode ng pagtatanong dito is your decisions… yung structural, building tech, yung utilities, dapat kasama yan sa alam natin, hindi lang architectural part,” wika ni Ar. Corpuz-Pugeda na nagdidiin sa kahalagahan ng holistikong kaalaman ng arkitekto sa propesyon.

Gayundin, upang pagtibayin ang bagong kaalaman ng mga kalahok, isinagawa ang in-person mock board examinations matapos ang programa na sumaklaw sa mga suhektong kabilang sa lecture series kasabay ng pormal na pagtatapos at send-off party sa opisyal na pagwawakas ng LARO 29 para sa mga sasabak sa darating na ALE ngayong 2026.